ARTS FOR HUMAN RIGHTS: Dare to Care (reportage)
Araw ng Sabado, December 10, 2016. Meron isang event sa Pacific Mall Lucena na dinaluhan ng mga Humanities and Social Sciences (HUMSS) students mula sa Calayan Educational Foundation, Inc. (CEFI). Ang nasabing programa ay pinamagatang ARTS FOR HUMAN RIGHTS, ito ay inorganisa ng grupong Anak ng Quezon at iba pang organisasyong nagsususlong ng karapatang pantao kasabay ng selebrasyon ng International Human Rights Day.
Mayroong mga bahagyang nahuli sa programa, malapit nang mag-alas dose nang dumating ang ilan sa venue. Ilang minuto lamang ang nakalipas matapos mapirmi sa kanilang mga kinauupuan, nag-announce na ng lunch break.
Bumalik ang mga kalahok sa Pacific Mall ng ala una pasado ng hapon at nagkaroon ng film viewing. Kwentong Barbero ang pamagat ng pelikula, ang beteranang aktres na si Eugene Domingo ang pangunahing tauhan sa kwento. Tinalakay sa pelikula ang kasagsagan ng Batas Militar sa bansa nang manungkulan ang rehimeng Marcos.
Bandang alas kwatro ng hapon ay nasaksihan ang live performances ng iba’t ibang artists. Pinakatumatak sa ‘kin si kuya Joel Boncay, isang rapper, rapper at mang-aawit ng mga lirikong hindi maipagkakailang meron saysay, meron kabuluhan, at meron nais iparating.
Sinundan ito ng mga pananalita mula sa mga personalidad na nagging biktima at nakaranas ng kalupitan sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Binuksan din ang entablado para sa mga nais magtanghal at ipakita sa madla ang kanilang mga angking talento.
Palubog na ang araw nang matapos ang kabuoan ng palatuntunan, kaunti na lamang ang natira upang makiisa sa candle lighting ceremony at sumama sa isang rally kung saan unang naranasan ng karamihan ang pagiging isang aktibista. Lumakad sila papuntang overpass malapit sa Quezon National High School bitbit ang kani-kanilang karatula, habang panggigil na isinisigaw ang kanilang mga panawagan.
Matapang nilang inakyat ang overpass at ikinabit ang banner na kung saan nakapaloob ang mga salitang nananawagan at humihingi ng pagbabago hindi lamang para sa bayan kundi para sa tao.
Bilang isang kabataan, mahalagang magkaroon ng pakialam sa nagyayari sa paligid. Masarap patunayan na mayroon kang malasakit sa sarili mong bayan at ipakita ang pagmamahal at respeto sa iyong kapwa.
Karapatan, karapatan, karapatan ng mamamayan, ipaglaban!
Comments
Post a Comment